Monday, June 1, 2009
Huling Patak
Minsan pang nagtipon ang karagatan sa himpapawid.
Nagsiksikan kami sa bulak ng alapaap.
Laging hatid nami'y matinding unos.
Kidlat at kulog ang naging hudyat sa inaabangang pagbiyak ng abong langit.
Sa wakas!
Matapos bumilang ng matagal na panahon, heto kami bumubulusok sa kawalan.
Nakabibinging ingay ang dulot ng hanging kasalubong at
mabilis nitong hinuhubog ang bawat patak bago ang nakaambang salpukan.
Natatanaw ko ang unang buhos na sabik humalik sa mga labi ng mundo.
Lahat masaya sa pagniniig ng basa at tuyo.
Ilang saglit lang, ang paligid ay iinit muli at ang lupa'y sisingaw.
At ngayong gabi, tiyak na ang ingay sa kalangitan.
Kada butil ng tubig ay may istoryang ilalahad bago umulit ang pag-ulan.
Ngunit di tulad nila, hiling ko na huli na ang pagkahulog at pagkabasag kong ito--
dahil ayaw ko na ng mga kuwento, ayaw ko na ng ingay.
Gusto ko na ng katapusan.
Subscribe to:
Posts (Atom)